Talento ng Thomasian scientists, ibinida sa Freshie Fun Fest
Ni: Morris Tan
Nabalot ng musika, sayaw, at pagdiriwang ang UST Central Seminary Gym matapos pasinayaan ng College of Science Student Council (CSSC) ang kauna-unahang Freshie Fun Fest bilang mainit na magpaalam sa Freshmen Week 2024 nitong Agosto 7.
Ayon kay CSSC President Kevin Escosar, tunguhin ng naturang programa, na bagaman alanganin bunsod ng limitadong rekurso, ay maibigay ang nararapat para sa komunidad ng Kolehiyo ng Agham.
“We try to limit our [CSSC] plans to postings and block interactions within the classroom. This year, we wanted to elevate it by adding a mixer. At first, I was hesitant about having it approved but, it’s all about taking risks and offering what’s best for the community,” saad niya.
Ganap na binuksan ng UST Psychology Archetypes ang pagtitipon, bitbit ang mga kilos at galaw na naglapat ng pananabik para sa mga nakilahok.
Higit namang nagliyab ang entablado nang nagpakitang-gilas din ang iba pang mga mag-aaral ng kolehiyo. Kabilang dito ang mga pagtatanghal ng CoS Glee Club, UST Psychology Talent Pool, at CoS Dance Troupe.
Sa pagtatapos ng Freshie Fun Fest, umalingawngaw ang mga hiyawan nang sabay-sabay na awitin ng mga freshmen ang CoS Chant sa pangunguna ng CoS Drumline.
Sa kabilang banda, binigyang pagkilala rin ng CSSC ang mga nagwaging pangkat sa Amazing Race at Blockies 2024: Craft, Create, & Capture. Nauwi ng mga mag-aaral mula sa 1MBIO3 ang Best in Props at Best in Photo, habang nasungkit naman ng 1PSY4 ang Best in Hashtag.
Naselyuhan din ng 1PSY4 ang titulong overall champion. Samantalang lumapag sa pangalawang puwesto ang 1CHEM1, at 1MOLBIO naman sa pangatlo.
Naghatid din ng mensahe si Escosar para sa mga freshmen sa pagbubukas ng bagong taong panuruan. Aniya, “It will be another challenging time of adjustment and adaptation. But, as your student representatives in the council, we will be here to lend our hand to you.”
“I hope that this year will not just be fun but [also] insightful. We encourage you to also participate in discussions and matters that concern us students and citizens and that we are inquisitive and curious as Thomasian scientists, and value critical thinking during this crucial time of our lives,” dagdag niya.
Pormal na magsisimula ang klase sa kolehiyo ngayong Agosto 9, Biyernes, na isasagawa sa Science Online Learning na setup.