SCITECH RECENTLY: Siklab ng kamalayan, puso alay sa bayan

UST College of Science Journal
3 min readFeb 21, 2025

--

Isinulat ni: Teo Wilson Ferriol

Noong Pebrero 19, sa ikatlong araw ng Psychology Week 2025, idinaos sa Albertus Magnus Auditorium ang lekturang ‘Siklab, Puso’t Isip Tungo sa Kasarinlan.’ Layunin ng programa na pag-alabin ang diwa ng nasyonalismo, palakasin ang emosyonal at intelektwal na kamalayan ng mga Pilipino, at itaguyod ang mas malalim na pag-unawa sa pagkakakilanlan ng mga mamamayang Pilipino bilang isang bayan.

Pinangunahan ni G. Glenmark B. Villanueva, RPm ang talakayan na pinamagatang, “Reclaiming Filipino Identity Through Colonial History.” Sa paksang ito ay tinalakay niya ang mekanismo sa likod ng pagkakulong ng mga Pilipino sa impluwensiya ng kolonyalismo. Pinaliwanagan din niya ang salitang ‘kolonyalismo’ na hindi lamang tumutukoy sa usapin ng pisikal na teritoryo kundi sa usapin din ng kaisipan at kaugalian ng isang katutubong sinakop.

Idinagdag niya na mula noon hanggang ngayon ay tumatak sa karamihan ng mga Pilipino ang paniniwala na nagwakas na ang kolonyalismo at nakalaya na ang mga Pilipino mula sa mga mananakop. Ngunit, sa pananaw ni G. Villanueva, may umiiral pa ring porma ng kolonyalismo sa kasalukuyan na kadalasang makikita sa karamihan ng mga indibidwal. Ito ang tinatawag niyang ‘colonial mentality,’ na tumutukoy sa higit na pagtangkilik sa mga produkto, gamit, serbisyo, o kabuuang kultura ng mga dayuhan.

Kaugnay nito, binigyang-diin niya ang isang klase ng colonial mentality na ‘internalized oppression,’ kung saan nakapokus lamang sa indibidwal na lebel ang tanong kung bakit nagkakaroon ng colonial mentality sa ating lipunan. Ipinahayag ni G. Villanueva ang pagtutol niya sa naturang ideya at binanggit niyang hindi dapat limitado sa indibidwal na aspeto ang solusyon sa isyung ito. Bagkus, dapat itong tignan bilang isang sistematikong suliranin na may malalim na ugat sa kasaysayan ng pananakop at patuloy na impluwensiya ng mga dating kolonyal na kapangyarihan. Ipinunto niya na ang colonial mentality ay hindi simpleng personal na pananaw o kahinaan ng isang indibidwal, kundi isang resulta ng mga istrakturang panlipunan, pang-ekonomiya, at pangkultura na nagpapanatili ng paghahari ng dayuhang impluwensiya sa ating kamalayan.

Sa kabilang dako, pinangunahan naman ni Asst. Prof. Tyrone Jann Nepomuceno, CCEO, LPT, PhD ang pangalawang talakayan na may temang, “Empowering the Filipino Psyche for Contemporary Challenges.” Inihayag niya ang iba’t-ibang haligi ng Sikolohiyang Pilipino na naglilingkod bilang pundasyon upang mapatibay at mapabuti ang mga pananaw at pagkakakilanlan ng mga Pilipino sa harap ng mga hamon ng makabagong panahon. Isa sa mga haligi na kanyang tinalakay ay ang paksa ng ‘utang na loob,’ kung saan siya ay nagbigay ng konteksto kung papaano nagkakaroon ng negatibong epekto ang kaugalian na ito, lalo na sa mga lipunang politikal na nagiging ugat ng korapsyon.

Alinsunod dito, tinalakay niya rin ang abilidad o kakayahan ng mga Pilipino na makibagay o adaptability sa kahit anong sirkumstansiya. Sa larangan ng sikolohiya, ang kakayahan na makibagay ay maaaring maipaliwanag ng konsepto na ‘cognitive flexibility,’ na tumutukoy sa kakayahan ng isang indibidwal na iangkop ang sarili sa mga pagbabago, makapag-isip ng alternatibong solusyon, at kakayahan na makisabay sa daloy ng sitwasyon.

Bilang karagdagan, ipinaliwanag niya rin ang isa sa mga pangunahing mithiin ng mga Pilipino — ang magkaroon ng mas malaking papel sa pagpabubuti at pagpapaunlad ng agham at teknolohiya sa bansa. Binigyan diin din nito ang pangangailangan ng mas malaking suporta sa pananaliksik, edukasyon, at teknolohikal na pagsulong upang mas mapalakas ang kakayahan ng bansa sa agham at makalikha ng mga solusyong may pangmatagalan na epekto sa lipunan.

Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng pangwakas na mensahe si Mr. Charles Reymond L. Llanillo, MA, Rpsy, RPm. Ang kabuoan ng program ay nagsilbing isang panawagan at isang paalala na ang tunay na kasarinlan ay hindi lamang nasusukat sa kalayaan mula sa pananakop, kundi sa kakayahang lumaya mula sa dayuhang impluwensiya sa kaisipan at patuloy na pagsulong ng ating sariling agham, kultura, at pagkatao bilang bansa.

Larawan mula kay: Lyle Tuya

--

--

UST College of Science Journal
UST College of Science Journal

Written by UST College of Science Journal

The official student publication of the University of Santo Tomas College of Science

No responses yet