Ang HuSCI ay proyekto ng seksyon ng Filipino mula sa UST College of Science Journal na naglalayong isalin ang mga natatanging pananaliksik ng iba’t ibang tomasinong siyentista sa kanilang mga piling larangan. Sa pamamagitan ng pagsasalin, mas madali nating maibabahagi ang mga bagong diskubreng kaalaman sa mga mamamayan gamit ang wikang kanilang kinagisnan. Layunin ng proyektong ito na maiparating sa bawat Pilipino ang kahalagahan ng agham sa lipunang ating ginagalawan.

Lakbay-myxomycetes sa kagubatan ng Mindoro: ano-ano ang nagtatago?

UST College of Science Journal
2 min readMay 9, 2021

May-akda: Melissa H. Pecundo, Nikki Heherson A. Dagamac, at Thomas Edison E. dela Cruz

Isinalin ni: Francynne Lee

Makalipas ang ilang milyong taon, nahiwalay mula sa pangunahing lupain ng Asya ang isla ng Mindoro. Dahil dito, nagkaroon ng iba’t ibang uri ng hayop at halaman sa Mindoro na kakaiba sa Asya at iba pang isla ng Pilipinas. Sa pag-aaral na ito, dalawang kagubatan — Mt. Malasimbo (MM) sa Puerto Galera, Oriental Mindoro, at Mt. Siburan (MS) sa Sablayan, Occidental Mindoro — ang sinuri para sa mga myxomycete. Mula sa sampling na oportunistiko sa field at sa pagbuo ng 1,260 moist chamber cultures, nakalikom ang pag-aaral ng 1,007 fruiting body collections na kumakatawan sa 50 sarihay (species) mula sa 17 urihay (genera). Mas maraming sarihay (49) ang naiulat sa Mt. Siburan kumpara sa Mt. Malasimbo (36). Sa mga ito, napag-alaman na 17 ang hindi karaniwang makikita, at apat (4) naman ang matatagpuan sa parehong kagubatan: Arcyria cinerea, Perichaena pedata, Diderma hemisphaericum, at Lamproderma scintillans. Mas magkakaiba-iba ang mga myxomycete sa Mt. Siburan kumpara sa Mt. Malasimbo, ngunit malinaw ang pagkakatulad ng dalawang kagubatan sa komposisyon ng mga sarihay (CC = 0.80) at kasaganaan (PS = 0.72). Mahihinuha mula rito na mataas ang dibersidad ng myxomycete sa mga kagubatan ng Mt. Malasimbo at Mt. Siburan. Ang pag-aaral na ito ay ang pinaka-komprehensibong pagsisiyasat ng mga myxomycete sa Mindoro.

Sanggunian

Pecundo, M. H., Dagamac, N. H., & dela Cruz, T. E. (2020). A comparative diversity study of myxomycetes in the lowland forests of Mt. Malasimbo and Mt. Siburan, Mindoro Island, Philippines. Karstenia, 275–291. https://doi.org/10.29203/ka.2020.500

--

--

UST College of Science Journal
UST College of Science Journal

Written by UST College of Science Journal

The official student publication of the University of Santo Tomas College of Science

No responses yet